1Ito ang Magandang Balita tungkol kay Hesus, ang Mesias, na Anak ng Diyos. Nagsimula ito 2ayon sa isinulat ni Propeta Isaias:
“Ipapadala ko ang aking mensahero.
Mauuna siya sa iyo
upang ihanda ang dadaanan mo.”
3“May sumisigaw sa ilang na nagsasabi,
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang landas na kanyang lalakaran.’ ”
4Dumating nga sa ilang si Juan na Tagapagbautismo. Ipinangaral niya sa mga tao na kailangan nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.