Tungkol sa ebanghelyo ni Mark

Ang ebanghelyo ni Marcos ay ang pinaka-sinaunang nakasulat na talaan tungkol kay Jesus ng Nazaret, na isinulat noong 65 AD ng isang malapit na kasama ni Jesus at ng kanyang alagad na si Pedro. Si Marcos ay bahagi ng Banal na Bibliya — ang pangalawang aklat ng Bagong Tipan. Ang 16 na kabanata nito na puno ng aksyon ay nagpapakita ng natatanging pagkakakilanlan, pagtuturo at gawa ni Jesus. Ang ibig sabihin ng ebanghelyo ay 'mabuting balita', at inilarawan ni Marcos ang aklat na ito bilang “ang mabuting balita tungkol kay Jesus na Mesiyas”.

Ano ang Ebanghelyo?

Itinuturo sa atin ng Banal na Bibliya na ang lahat ng tao ay karapat-dapat sa kahiyan at paghatol para sa ating kasalanan. Ngunit ang mabuting balita ay namatay si Jesus sa krus at kinuha ang paghatol na nararapat natin. Bumangon siya mula sa mga patay sa ikatlong araw upang patunayan na binayaran niya ang kasalanan ng lahat na nagtitiwala sa kanya. At kapag nagtitiwala tayo kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, pinapatawad tayo ng Diyos nang lubos at magpakailanman. Nakaranas tayo ng isang tunay at ipinanumbalik na relasyon sa Diyos na hindi magtatapos.

Mga tip para sa pagbabasa

Maaari mong i-browse ang aklat na ito ayon sa mga numero ng kabanata at talata (tingnan ang mga link sa ibaba ng pahina upang lumipat ang kabanata). Halimbawa, ang 'Marcos 8:29' ay tumutukoy sa Marcos kabanata 8, talata 29. Dahil ang Biblia ay isang lumang libro mula sa ibang lugar, maraming mga bagay na maaaring mahirap mong maunawaan sa una. Kapag nangyari ito, manalangin para sa tulong ng Diyos, at isipin na basahin ang libro kasama ang isang may karanasan na tagasunod ni Jesus. Ang mga online na komentaryo tulad ng bibleref.com ay maaari ring makatulong sa iyo habang nag-aaral ka.

Marcos

Marcos 13

  1. 1
  2. 2
  3. 3
  4. 4
  5. 5
  6. 6
  7. 7
  8. 8
  9. 9
  10. 10
  11. 11
  12. 12
  13. 13
  14. 14
  15. 15
  16. 16
1Nang paalis na sina Hesus sa Templo, sinabi ng isa sa mga alagad niya, “Guro, tingnan po ninyo ang napakagandang mga gusali. At ang pader, malalaking mga bato ang ginamit napakaganda ng pagkakagawa.”
2Sinabi ni Hesus sa kanya, “Nakikita nʼyo ba ang mga gusaling ʼyan? Darating ang araw na magigiba ang lahat ng ʼyan, at walang maiiwang bato na magkapatong.”
3Habang nakaupo si Hesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, tinanong siya nang palihim nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4“Sabihin ninyo sa amin, kailan mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan na malapit nang mangyari ang lahat ng ito?”
5Kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at huwag palinlang kaninuman. 6Marami ang darating sa aking pangalan na magsasabing, ‘Ako ang Mesias’, at marami ang ililigaw nila. 7Kapag nakabalita kayo ng mga digmaan o usap-usapan tungkol sa digmaan, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga iyan, ngunit hindi pa ito ang katapusan. 8Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Lilindol sa ibaʼt ibang lugar at magkakaroon ng taggutom. Ang mga itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.
9“Mag-ingat kayo dahil dadakpin kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin kayo sa sinagoga. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 10Dapat munang maipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng bansa, bago dumating ang katapusan. 11Kapag dinakip kayo at dinala sa hukuman, huwag ninyong alalahanin kung ano ang sasabihin ninyo. Bastaʼt sabihin ninyo ang ipinasasabi ng Diyos sa oras na iyon. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo.
12“May mga taong magkakanulo sa kanilang mga kapatid upang ipapatay, at ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak. Kakalabanin naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay. 13Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.
14“Darating ang araw na makikita ninyo ‘ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa Templo’, habang itoʼy nakatayo sa lugar na hindi nito dapat kalagyan. (Dapat itong unawain ng mambabasa.) Kapag nangyari ito, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. 15Ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng anuman. 16Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. 17Kaawa-awa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! 18Idalangin ninyong huwag itong mangyari sa panahon ng taglamig. 19Sapagkat sa panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng mga paghihirap na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan.
20“Kung hindi paiikliin ng Panginoon ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon. 21Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Mesias!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22Sapagkat lilitaw ang mga di-tunay na Mesias at mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga tanda at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Diyos. 23Kaya mag-ingat kayo! Binabalaan ko na kayo habang hindi pa nangyayari ang mga ito.
24“Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan,
‘magdidilim ang araw,
hindi na magliliwanag ang buwan,
25at mahuhulog ang mga bituin
mula sa langit.
Ang mga bagay sa kalawakan
ay mayayanig at mawawala
sa kani-kanilang kinalalagyan.’
26“At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap, taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27Ipapadala niya ang kanyang mga anghel sa lahat ng sulok ng mundo upang tipunin ang kanyang mga hinirang.
28“Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 29Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong bumalik. 30Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 31Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.
32“Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak ng Diyos. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 33Kaya mag-ingat kayo at laging magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan ako darating. 34Maaari natin itong ihambing sa isang taong papunta sa malayong lugar. Bago siya umalis ng bahay ay binigyan niya ng kanya-kanyang gawain ang bawat alipin niya at saka binilinan ang guwardiya sa pintuan na maging handa.
35“Kaya maging handa kayo, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang may-ari ng bahay; maaaring sa hapon o sa hatinggabi, sa madaling-araw o sa umaga. 36Baka bigla siyang dumating at madatnan kayong natutulog. 37Kaya ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko rin sa lahat: Maging handa kayo!”

Saan mo nais na pumunta sa susunod?