Tungkol sa ebanghelyo ni Mark

Ang ebanghelyo ni Marcos ay ang pinaka-sinaunang nakasulat na talaan tungkol kay Jesus ng Nazaret, na isinulat noong 65 AD ng isang malapit na kasama ni Jesus at ng kanyang alagad na si Pedro. Si Marcos ay bahagi ng Banal na Bibliya — ang pangalawang aklat ng Bagong Tipan. Ang 16 na kabanata nito na puno ng aksyon ay nagpapakita ng natatanging pagkakakilanlan, pagtuturo at gawa ni Jesus. Ang ibig sabihin ng ebanghelyo ay 'mabuting balita', at inilarawan ni Marcos ang aklat na ito bilang “ang mabuting balita tungkol kay Jesus na Mesiyas”.

Ano ang Ebanghelyo?

Itinuturo sa atin ng Banal na Bibliya na ang lahat ng tao ay karapat-dapat sa kahiyan at paghatol para sa ating kasalanan. Ngunit ang mabuting balita ay namatay si Jesus sa krus at kinuha ang paghatol na nararapat natin. Bumangon siya mula sa mga patay sa ikatlong araw upang patunayan na binayaran niya ang kasalanan ng lahat na nagtitiwala sa kanya. At kapag nagtitiwala tayo kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, pinapatawad tayo ng Diyos nang lubos at magpakailanman. Nakaranas tayo ng isang tunay at ipinanumbalik na relasyon sa Diyos na hindi magtatapos.

Mga tip para sa pagbabasa

Maaari mong i-browse ang aklat na ito ayon sa mga numero ng kabanata at talata (tingnan ang mga link sa ibaba ng pahina upang lumipat ang kabanata). Halimbawa, ang 'Marcos 8:29' ay tumutukoy sa Marcos kabanata 8, talata 29. Dahil ang Biblia ay isang lumang libro mula sa ibang lugar, maraming mga bagay na maaaring mahirap mong maunawaan sa una. Kapag nangyari ito, manalangin para sa tulong ng Diyos, at isipin na basahin ang libro kasama ang isang may karanasan na tagasunod ni Jesus. Ang mga online na komentaryo tulad ng bibleref.com ay maaari ring makatulong sa iyo habang nag-aaral ka.

Marcos

Marcos 15

  1. 1
  2. 2
  3. 3
  4. 4
  5. 5
  6. 6
  7. 7
  8. 8
  9. 9
  10. 10
  11. 11
  12. 12
  13. 13
  14. 14
  15. 15
  16. 16
1Kinaumagahan, agad na nagpulong ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Hudyo, mga tagapagturo ng Kautusan at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin upang planuhin kung ano ang susunod nilang hakbang. Ginapos nila si Hesus at dinala kay Pilato.
2Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Hudyo?”
Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsabi.”
3Naglabas ng kung ano-anong akusasyon ang mga namamahalang pari laban kay Hesus. 4Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Wala ka bang sagot sa mga paratang nilang ito? Marami silang paratang laban sa iyo!”
5Ngunit hindi pa rin sumagot si Hesus, kaya nagtaka si Pilato.
6Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ni Pilato na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. 7May isang bilanggo roon na ang pangalan ay Barabas. Nabilanggo siya dahil kabilang siya sa mga nakapatay noong naghimagsik sila laban sa pamahalaan. 8Marami ang lumapit kay Pilato at hiniling na gawin muli ang nakaugaliang pagpapalaya ng bilanggo.
9Kaya tinanong sila ni Pilato, “Gusto nʼyo bang palayain ko ang hari ng mga Hudyo?” 10Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa mga namamahalang pari na dalhin sa kanya si Hesus. 11Subalit sinulsulan ng mga namamahalang pari ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain at hindi si Hesus.
12Nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Ano ngayon ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag nʼyong hari ng mga Hudyo?”
13Sumigaw sila, “Ipako siya sa krus!”
14Sinabi ni Pilato sa kanila, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?”
Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”
15Dahil gustong pagbigyan ni Pilato ang mga tao, pinalaya niya si Barabas. Ipinahagupit naman niya si Hesus at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.
16Dinala ng mga sundalo si Hesus sa loob ng palasyo ng gobernador at tinipon nila roon ang buong batalyon ng mga sundalo. 17Sinuotan nila si Hesus ng kapa na kulay ube at gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya. 18Pagkatapos, pakutya silang nagsisigaw, “Mabuhay ang hari ng mga Hudyo!” 19At paulit-ulit nilang pinaghahampas ng talahib ang kanyang ulo, at pinagduduraan nila siya. Lumuhod sila sa kanya na kunwari ay sumasamba sa kanya. 20Matapos nilang kutyain si Hesus, hinubad nila ang kulay ubeng kapa at ipinasuot ang kanyang damit. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.
21Isang taong nagngangalang Simon ang nakasalubong nila. Siyaʼy galing sa Cirene. Siya ang ama nina Alejandro at Rufo. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. 22Pagkatapos, dinala nila si Hesus sa lugar na tinatawag na Golgota (na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo”). 23Pagdating nila roon, binigyan nila si Hesus ng alak na may halong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24Ipinako nila sa krus si Hesus at pinaghati-hatian nila ang mga damit niya sa pamamagitan ng palabunutan para malaman nila ang bahaging mapupunta sa bawat isa.
25Alas nuwebe noon ng umaga nang ipako siya sa krus. 26May karatula sa itaas ng krus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: Ang Hari ng mga Hudyo.
27May dalawang tulisan na ipinako rin sa krus kasabay ni Hesus, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. [ 28Sa pangyayaring ito, natupad ang sinasabi sa Kasulatan, “At siyaʼy ibinilang kasama ng mga kriminal.”]
29Ininsulto si Hesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila at sabay sabi, “O ano ngayon? Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang Templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? 30Bumaba ka sa krus at iligtas mo ang iyong sarili!” 31Ganito rin ang pangungutya ng mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinasabi nila sa isaʼt isa, “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili! 32Tingnan nga natin kung makakababa sa krus ang Mesias na ito na hari raw ng Israel! Kapag nakababa siya, maniniwala na tayo sa kanya.” Maging ang mga ipinakong kasabay niya ay hinamak rin siya.
33Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 34Pagsapit ng alas tres ng hapon, sumigaw si Hesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
35Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.”
36May isang taong tumakbo at kumuha ng espongha. Isinawsaw niya ito sa maasim na alak at kinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Hesus para sipsipin niya. Sinabi ng taong iyon, “Tingnan natin kung darating nga si Elias upang ibaba siya sa krus.”
37Sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga.
38Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng Templo. 39Nakatayo sa harap ng krus ang kapitan ng mga sundalo at nakita niya kung paanong nalagutan ng hininga si Hesus. Sinabi niya, “Totoo ngang siya ang Anak ng Diyos!”
40Sa di-kalayuan ay may mga babaeng nanonood sa mga nangyayari. Kabilang sa kanila si Salome, si Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose.
41Ang mga babaeng ito ay sumasama kay Hesus at tumutulong sa kanya noong nasa Galilea siya. Naroon din ang iba pang babaeng sumáma sa kanya sa Jerusalem.
42Noon ay Araw ng Paghahanda, ang bisperas ng Araw ng Pamamahinga. Magtatakip-silim na noon, 43kaya naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na puntahan si Pilato at hingin ang bangkay ni Hesus. Si Jose ay isa sa mga iginagalang na miyembro ng Korte ng mga Hudyo. At isa siya sa mga naghihintay sa paghahari ng Diyos. 44Nang marinig ni Pilato na patay na si Hesus, nagtaka siya. Kaya ipinatawag niya ang kapitan ng mga sundalo at tinanong kung patay na nga si Hesus. 45Kinumpirma nga ito ng kapitan, kaya pumayag si Pilato na kunin ni Jose ang bangkay ni Hesus. 46Bumili si Jose ng mamahaling telang lino at kinuha ang bangkay ni Hesus sa krus. Binalot niya ito ng telang binili niya at inilagay sa libingang hinukay sa gilid ng burol. At pinagulong niya ang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan. 47Nagmamasid noon si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina ni Jose, kaya nakita nila kung saan inilibing si Hesus.

Saan mo nais na pumunta sa susunod?