Tungkol sa ebanghelyo ni Mark

Ang ebanghelyo ni Marcos ay ang pinaka-sinaunang nakasulat na talaan tungkol kay Jesus ng Nazaret, na isinulat noong 65 AD ng isang malapit na kasama ni Jesus at ng kanyang alagad na si Pedro. Si Marcos ay bahagi ng Banal na Bibliya — ang pangalawang aklat ng Bagong Tipan. Ang 16 na kabanata nito na puno ng aksyon ay nagpapakita ng natatanging pagkakakilanlan, pagtuturo at gawa ni Jesus. Ang ibig sabihin ng ebanghelyo ay 'mabuting balita', at inilarawan ni Marcos ang aklat na ito bilang “ang mabuting balita tungkol kay Jesus na Mesiyas”.

Ano ang Ebanghelyo?

Itinuturo sa atin ng Banal na Bibliya na ang lahat ng tao ay karapat-dapat sa kahiyan at paghatol para sa ating kasalanan. Ngunit ang mabuting balita ay namatay si Jesus sa krus at kinuha ang paghatol na nararapat natin. Bumangon siya mula sa mga patay sa ikatlong araw upang patunayan na binayaran niya ang kasalanan ng lahat na nagtitiwala sa kanya. At kapag nagtitiwala tayo kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, pinapatawad tayo ng Diyos nang lubos at magpakailanman. Nakaranas tayo ng isang tunay at ipinanumbalik na relasyon sa Diyos na hindi magtatapos.

Mga tip para sa pagbabasa

Maaari mong i-browse ang aklat na ito ayon sa mga numero ng kabanata at talata (tingnan ang mga link sa ibaba ng pahina upang lumipat ang kabanata). Halimbawa, ang 'Marcos 8:29' ay tumutukoy sa Marcos kabanata 8, talata 29. Dahil ang Biblia ay isang lumang libro mula sa ibang lugar, maraming mga bagay na maaaring mahirap mong maunawaan sa una. Kapag nangyari ito, manalangin para sa tulong ng Diyos, at isipin na basahin ang libro kasama ang isang may karanasan na tagasunod ni Jesus. Ang mga online na komentaryo tulad ng bibleref.com ay maaari ring makatulong sa iyo habang nag-aaral ka.

Marcos

Marcos 2

  1. 1
  2. 2
  3. 3
  4. 4
  5. 5
  6. 6
  7. 7
  8. 8
  9. 9
  10. 10
  11. 11
  12. 12
  13. 13
  14. 14
  15. 15
  16. 16
1-2Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Hesus sa Capernaum. Agad namang kumalat ang balitang naroon siya. Kaya napakaraming tao ang nagtipon doon sa tinutuluyan niya hanggang sa wala nang lugar kahit sa labas ng pintuan. Habang ipinapangaral niya sa kanila ang salita ng Diyos, 3may mga taong dumating kasama ang isang paralitikong buhat-buhat ng apat na lalaki. 4Dahil sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Hesus. Kaya binaklas nila ang bahagi ng bubong sa tapat ni Hesus at saka ibinaba ang paralitikong nasa kanyang higaan. 5Nang makita ni Hesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
6Narinig ito ng ilang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon. Sinabi nila sa kanilang sarili, 7“Bakit siya nagbitaw ng ganyang mga salita? Kalapastanganan ʼyan sa Diyos! Tanging Diyos lamang ang nakakapagpatawad ng kasalanan!”
8Alam ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 9Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad’? 10Ngayon, patutunayan ko sa inyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, 11“Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!”
12Tumayo nga ang paralitiko, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nakatingin ang lahat. Namangha ang lahat at pinuri nila ang Diyos. Sinabi nila, “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”
13Muling pumunta si Hesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Maraming tao ang pumunta roon sa kanya, at tinuruan niya ang mga ito. 14Habang naglalakad siya, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo. Nakaupo ito sa lugar kung saan siya naniningil ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod kay Hesus.
15Habang kumakain si Hesus at ang mga alagad niya sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang kumakaing kasama nila, dahil marami sa kanila ang sumusunod kay Hesus. 16Nang makita ng mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na kasalo ni Hesus ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan, sinabi nila sa mga alagad niya, “Bakit kumakain siyang kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?”
17Narinig iyon ni Hesus kaya sinagot niya ang mga ito, “Hindi ang mga taong walang sakit ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
18Nang minsang nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at mga Pariseo, may mga taong lumapit kay Hesus at nagtanong, “Bakit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad, hindi tulad ng mga alagad ni Juan at ng mga Pariseo?”
19Sumagot si Hesus, “Nag-aayuno ba ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila puwedeng mag-ayuno. 20Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
21Sinabi pa ni Hesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit. Kapag ginawa ito, mahihila ng bagong tela ang damit at lalo pang lalaki ang punit. 22Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”
23Isang Araw ng Pamamahinga, habang dumadaan sina Hesus sa isang triguhan, namitas ng trigo ang mga alagad niya upang kutkutin. 24Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Tingnan mo ang mga alagad mo! Bakit sila gumagawa ng ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?”
25Sumagot si Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya, at wala silang makain? 26Pumasok si David sa bahay ng Diyos noong si Abiatar ang punong pari. Kumain si David ng tinapay na inihandog sa Diyos, kahit na ang mga pari lamang ang nararapat na kumain niyon, at binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan.”
27At sinabi pa ni Hesus sa kanila, “Nilikha ang Araw ng Pamamahinga para sa tao. Hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. 28Kaya ang Anak ng Tao ang Panginoon maging ng Araw ng Pamamahinga.”

Saan mo nais na pumunta sa susunod?