1Pagdating ng isa pang Araw ng Pamamahinga, muling pumunta si Hesus sa sinagoga, at dooʼy may isang lalaking paralisado ang isang kamay. 2May mga taong naroon na nagmamatyag kung pagagalingin ni Hesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3Sinabi ni Hesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa harapan.”
4Pagkatapos, tinanong niya ang mga tao roon, “Alin ba ang ipinapahintulot sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: Ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Ngunit hindi sila umimik.