Tungkol sa ebanghelyo ni Mark

Ang ebanghelyo ni Marcos ay ang pinaka-sinaunang nakasulat na talaan tungkol kay Jesus ng Nazaret, na isinulat noong 65 AD ng isang malapit na kasama ni Jesus at ng kanyang alagad na si Pedro. Si Marcos ay bahagi ng Banal na Bibliya — ang pangalawang aklat ng Bagong Tipan. Ang 16 na kabanata nito na puno ng aksyon ay nagpapakita ng natatanging pagkakakilanlan, pagtuturo at gawa ni Jesus. Ang ibig sabihin ng ebanghelyo ay 'mabuting balita', at inilarawan ni Marcos ang aklat na ito bilang “ang mabuting balita tungkol kay Jesus na Mesiyas”.

Ano ang Ebanghelyo?

Itinuturo sa atin ng Banal na Bibliya na ang lahat ng tao ay karapat-dapat sa kahiyan at paghatol para sa ating kasalanan. Ngunit ang mabuting balita ay namatay si Jesus sa krus at kinuha ang paghatol na nararapat natin. Bumangon siya mula sa mga patay sa ikatlong araw upang patunayan na binayaran niya ang kasalanan ng lahat na nagtitiwala sa kanya. At kapag nagtitiwala tayo kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas, pinapatawad tayo ng Diyos nang lubos at magpakailanman. Nakaranas tayo ng isang tunay at ipinanumbalik na relasyon sa Diyos na hindi magtatapos.

Mga tip para sa pagbabasa

Maaari mong i-browse ang aklat na ito ayon sa mga numero ng kabanata at talata (tingnan ang mga link sa ibaba ng pahina upang lumipat ang kabanata). Halimbawa, ang 'Marcos 8:29' ay tumutukoy sa Marcos kabanata 8, talata 29. Dahil ang Biblia ay isang lumang libro mula sa ibang lugar, maraming mga bagay na maaaring mahirap mong maunawaan sa una. Kapag nangyari ito, manalangin para sa tulong ng Diyos, at isipin na basahin ang libro kasama ang isang may karanasan na tagasunod ni Jesus. Ang mga online na komentaryo tulad ng bibleref.com ay maaari ring makatulong sa iyo habang nag-aaral ka.

Marcos

Marcos 8

  1. 1
  2. 2
  3. 3
  4. 4
  5. 5
  6. 6
  7. 7
  8. 8
  9. 9
  10. 10
  11. 11
  12. 12
  13. 13
  14. 14
  15. 15
  16. 16
1Sa mga araw na iyon, muling nagtipon ang napakaraming tao sa kinaroroonan ni Hesus. At dahil wala na silang makain, tinawag ni Hesus ang mga alagad niya at sinabi, 2“Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. 3Kung pauuwiin ko sila nang gutom, baka himatayin sila sa daan dahil malayo pa ang pinanggalingan ng iba sa kanila.”
4Sumagot ang mga alagad niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?”
5Tinanong sila ni Hesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?”
Sinabi nila, “Pito po.”
6Pinaupo ni Hesus sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ito at ibinigay sa mga alagad niya para ipamigay sa mga tao. At ginawa nga nila ito. 7Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Nagpasalamat si Hesus para sa mga iyon at iniutos niya sa kanyang mga alagad na ipamigay din sa mga tao. 8Kumain sila at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng pitong kaing. 9Ang bilang ng mga taong kumain ay mga apat na libo. Matapos pauwiin ni Hesus ang mga tao, 10agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga alagad niya, at pumunta sila sa Dalmanuta.
11Pagdating nila roon, may dumating na mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Hesus. Gusto nila siyang subukin kaya hiniling nilang magpamalas siya ng tanda mula sa langit na sugo nga siya ng Diyos. 12Kaya napabuntong-hininga si Hesus at sinabi, “Bakit nga ba humihingi ng tanda ang mga tao sa panahong ito? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang anumang tanda na ipapakita sa inyo.” 13Pagkatapos, iniwan niya sila. Sumakay ulit siya sa bangka at tumawid sa kabilang ibayo.
14Nakalimutan ng mga alagad ni Hesus na magdala ng tinapay. Iisa lang ang baon nilang tinapay sa bangka. 15Sinabi ni Hesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at ni Herodes.”
16Nag-usap-usap ang mga alagad ni Hesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay.
17Alam ni Hesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo? 18May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba 19nang pagpira-pirasuhin ko ang limang tinapay para sa limang libong tao? Ilang kaing ang natira?”
Sumagot sila, “Labindalawa po!”
20Nagtanong pa si Hesus, “At nang pagpira-pirasuhin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang natira?”
Sumagot sila, “Pito po!”
21At sinabi ni Hesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba nauunawaan?”
22Pagdating nila sa Betsaida, may mga taong nagdala ng isang lalaking bulag kay Hesus. Nagmakaawa sila na hipuin niya ang taong ito. 23Kaya inakay ni Hesus ang bulag at dinala sa labas ng bayan. Pagkatapos, dinuraan niya ang mga mata ng bulag, ipinatong ang kanyang kamay rito at saka nagtanong, “May nakikita ka na ba?”
24Tumingala ang lalaki at sinabi, “Nakakakita na po ako ng mga tao, pero para silang mga punongkahoy na lumalakad.”
25Kaya muling ipinatong ni Hesus ang mga kamay niya sa mata ng bulag. Pagkatapos, tumingin ulit ang lalaki at lumiwanag ang kanyang paningin. At nakakakita na siya. 26Bago siya pinauwi ni Hesus ay binilinan siya, “Huwag ka nang bumalik sa Betsaida.”
27Pagkatapos, pumunta si Hesus at ang mga alagad niya sa mga nayon ng Cesarea-Filipos. Habang naglalakad sila, tinanong ni Hesus ang mga alagad niya, “Sino raw ako ayon sa mga tao?”
28Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo raw po si Juan na Tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta.”
29Tinanong sila ni Hesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Mesias!”
30Sinabihan sila ni Hesus na huwag nilang ipaalam kahit kanino ang tungkol sa kanya.
31Nagsimulang mangaral si Hesus sa mga alagad niya na ang Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng mga Hudyo, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At ipapapatay siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay. 32Malinaw niya itong sinabi sa kanila. Kaya dinala ni Pedro si Hesus sa isang tabi at pinagsabihan.
33Ngunit humarap si Hesus sa mga alagad niya at saka pinagsabihan si Pedro, “Lumayo ka saʼkin, Satanas! Sapagkat ang iniisip moʼy hindi ayon sa kalooban ng Diyos kundi ayon sa kalooban ng tao!”
34Pagkatapos, tinawag niya ang mga tao, pati na ang mga alagad niya at sinabi sa kanila, “Ang sinumang gustong maging alagad ko ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. 35Sapagkat ang sinumang naghahangad na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang sinumang nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay maililigtas ito. 36Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, subalit mapapahamak naman ang kanyang kaluluwa? 37May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 38Kung ako at ang mga salita ko ay ikakahiya ninuman sa harap ng taksil at makasalanang henerasyong ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao sa pagparito niya taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”

Saan mo nais na pumunta sa susunod?